Wanted
Sale-Lady
Ang biodata
kong gusut na gusot na
Di ko na
mabilang, di na masikmura
Kapirasong
papel, panulat ay luha
Pagkataong
wasak, ang siyang aking tinta
( Trabahong Nais Pasukan: ) Ang nais
Pasuka’y Sale-lady lang naman
Sumimot ng
barya sa gusot na laman
Isubo ang
tuwa sa nais matakam
Sa ligayang
huwad at panandalian
( Pangalan: ) Ako’y kilalanin, Gracia
Nadisgracia
( Kasarian: )
Babae ng lahat, manika mo’t tuta
(Araw ng
Kapanganakan: ) Araw ng paglisan ni Hesus sa Lupa
Nang ako’y
iluwal sa hikbi ni Mar’ya
Kaya ang
namana’y pawang pagdurusa
(Lugar ng
Kapanganakan: ) Sa kumot ng dilim, sa
ungol ng pusa
( Kalagayang
Sibil: ) Ang aking kabiyak ay patay na puri
(
Nasyunalidad: ) Pagpagan ng libog itong aming lahi
( Relihiyon:
) Nitong kaluluwang walang kasing panghi
Itinaboy ng
Diyos, parusa’y pighati
(Edukasyong
Natamo: ) Mapanghamong buhay ang siyang aking guro
Pagbilang ng
luha ang kaniyang tinuro
Pagbasa’t pagsulat
ng libog sa hamog
Sa dilim ng
klasrum nakikiindayog
(Kasanayan: )
Sanay nang gumuhit ng ngiti sa labi
Kahit na
krayola’y may kulay ng hapdi
Sanay nang
maghandog ng libog sa ungol
Kahit
hinihimig ay isang hagulhol
( Tirahan: )
Sa itim na bilog ako’y nakapinta
Diyan sa
lalagya’t imbakan ng luha
D’yan
matatagpuan itong aking lungga
D’yan sa
durungawan ng ‘yong kaluluwa
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento