Mahigpit na nakayakap ang pitong taong gulang
na batang lalaki sa baywang ng kanyang ina, umiiyak. Hindi niya alam kung ano
ang nangyayari, ngunit alam niyang nagkagulo sa paligid. Binuhat siya ng labing
pitong taong gulang niyang kapatid na babae. Umiiyak din. Maging ang inang nasa
tabi nito ay walang patid ang paghikbi. Maya-maya ay isang malakas na sigaw ang
narinig nila mula sa labas ng kanilang pintuan. Madaliang sumilip ang ina sa
bintana. Hayo’t gumuhit sa kaniyang pangingin ang nagtatakbuhang mga
kapitbahay, nagsisialsabalutan. Napatingin ito sa natutulog na langit. Hayo’t
pinagharian na ng pulang liwanag mula sa mga nagliliyabang bahay. Ang asawa
niya, nasaan na kaya? Hindi pa ito dumarating. Sinasalakay na ng mga rebeldeng
Muslim ang buong bayan ng Lapayan, Kauswagan, Lanao del Norte. Nag-aalala na
siya. Hindi siya mapakali. Binalot ang buong paligid ng walang tigil na
bangayan ng mga armas. Putukan. Hayo’t naglalaro sa kaniyang pandinig. Ngunit
isang malakas na tinig ang nagnakaw ng kaniyang atensyon.
“Aling
Rosa! Ang asawa niyo po, binaril ng mga rebelde! Lumikas na po kayo. Paparating
na sila. Sinusunog nila ang mga bahay na madadaanan nila.”
Hayo’t
bumaha na ng luha sa loob ng kanilang tahanan. Humakbang papalapit sa ina ang
panganay na anak at mahigpit itong yumakap habang tahimik lamang na nakatitig
ang bata sa humahagulhol na ina.
Napakunot ng noo si Lieutenant Rodriguez sa
binasang pahayagan. Sumalakay na naman ang mga rebelde at nanunog ng mga bahay sa
ilang mga bayan ng Lanao del Norte. Hindi pa nga nailibing ang mga tauhan
niyang namatay sa naganap na engkwentro sa Cotabato kamakailan lang ay heto’t
naghahamon na naman ang mga ito. Tila mainit na kumukulong tubig ang kaniyang
dugo sa tuwing nakaririnig siya ng balita patungkol sa mga rebelde.
Nanggigigil siya. Maging ang alagang baril ay nauuhaw na rin sa kaluluwa. Nais
na niyang iputok ito. Sabik na sabik na siyang pumatay ng mga rebelde. Dito
siya nagiging Masaya. Dito niya naibubuhos ang lahat – galit, pagsisisi,
pagdadalamhati. Ito ang buhay niya, ang buhay na hinubog ng madilim niyang
kahapon. Ang malakas na putok ng baril at hiyaw ng mga kanyon ay isang masarap
na musika sa kaniyang pandinig. Digmaan ang tahanan niya, ang langit niya. Muli
niyang binasa ang hinawakang pahayagan.
Hayo’t
nilamon na ng apoy ang buong bahay nila. Madalian nilang nilisan ang bahay.
Akay-akay ni Aling Rosa ang limang taong gulang na anak habang hawak-hawak
naman ng kaniyang kanang kamay ang dalagitang anak. Tumakbo sila nang tumakbo.
Nag-aapoy na ang nararaanan nilang bahay. Wala na ang kaniyang asawa at ayaw
niyang may isa pang mawala sa pamilya niya, ngunit isang malaking ugat ng puno
ang bumara sa kaniyang pagtakbo. Bumagsak si aling Rosa. Madaliang lumapit ang
dalagitang anak at inakay ang ina. Papalapit na ang mga rebelde. Hindi mapakali
ang panganay na anak. Wala ring tigil sa pag-iyak ang limang taong gulang na
kapatid. Lumapit ang munting bata sa ina at tinulungan ang kapatid sa pag-akay.
Umaasang may maitutulong ang mga munti niyang lakas sa pag-akay kahit
nakasandal ang ina sa panganay na anak. Hilaw man sa kamuwangan ngunit alam ng
puso nitong nasa panganib sila. Marahan nilang tinulungan ang ina sa
paghakbang. Ngunit isang malakas na putok ang nagpatigil sa kanila. Bumagsak si
Aling Rosa. Duguan. Lumingon ang dalawang anak sa likuran. Inabutan na nga sila
ng dalawang rebelde. Muli nilang tiningnan ang inang may tama ng baril at nagpatuloy
sa pag-akay.
“Nay,
kaya niyo pa po?” paiyak na wika ng panganay na anak. “Tayo na po nay”.
“Umalis
na kayo! Iligtas niyo na ang mga sarili ninyo!” sigaw ni Aling Rosa.
Ngunit
ayaw pa ring umalis ng dalawang anak. Walang patid ang pag-iyak ng mga ito.
“Nay,
sasamahan po namin kayo.”
“Huwag
niyong isipin ang nanay. Iligtas niyo na ang mga sarili ninyo. Huwag mong
pabayaan ang kapatid mo. Mahal ko kayo,” sabay halik sa dalawang anak.
Palapit
na nang palapit ang mga rebelde. Inakay na ng panganay na anak ang kapatid
upang mapabilis ang pagtakas. Ayaw niyang iwan ang ina, subalit paulit-ulit silang
pinapalayo nito. Napatingin ang dalagita sa paparating na rebelde. Hindi niya
alam ang gagawin. Kusang lumalayo ang kaniyang mga paa, ngunit ang kaniyang
puso ay naiwan pa rin sa kaniyang ina. Hanggang sa isang malakas na baril ang
tumapos sa tinig ng ina.
Sumikip ang damdamin ni Lieutenant
Rodriguez sa binasa. Higit sa isang daang sibilyan na naman ang napatay ng mga
hayop na iyon. Mahigpit niyang kinuyom ang mga palad, ngunit isang malakas na
tawag ang bumasag ng kaniyan malalim na iniisip.
“Sir! May nahuli po kaming rebelde,” sambit
ng isa sa kaniyang mga tauhan.
Agad siyang napatayo at kinuha ang baril.
Lalo siyang nasasabik. Napangiti siya. Gustong-gusto niyang makakikita ng
pinahihirapang rebelde, nang nagmamakaawa. Nais niyang marinig silang
naghihingalo – isang napakasarap na himig sa kaniyang pandinig. Agad niyang
pinuntahan ang mga bihag. Napangiti siya sa nakita – isang lalaki, isang babae,
at isang batang lalaking sa tingin niya’y nasa limang taong gulang lang. Isang
pamilyang rebelde. Pawang nakaposas.
“Masaya ito,” banggit niya sa sarili.
“Parang awa niyo na po sir. Huwag niyo pong
idamay ang pamilya ko,” pagmamakaawa ng lalaki.
“Naawa ba kayo sa mga pinatay niyo? Sa mga
pamilyang sinira niyo? Ha?!” bulyaw ni Lieutenant Rodriguez. “Sa’n niyo ba ito
nahuli?”
“Sa bayan po. May nakapagturo po kasi sa
kanila. Eh nagkataon na may hawak na armas ang lalaki.”
“Kumuha ka ng kutsilyo,” utos ni Rodriguez
sa kasama.
“Ilang mga sibilyan ba ang pinatay nila?
“Higit sa isang daan po sir.”
“Ilagay niyo ang kamay niyan sa mesa at
putulan ng sampong daliri,” pangiti nitong wika.
Walang tigil ang pagmamakaawa ng mga bihag.
Higit na gumuhit ang isang matamis na ngiti sa labi ni Rodriguez. Nais niyang
magmakaawa pa ang mga ito, ang lumuha habang nakaluhod. Nagsisisigaw na ang lalaki. Hayo’t
nanginginig na ang daliri nito sa bawat halik ng matulis na kutsilyo.
“Tigilan niyo na! maawa kayo sa aking
bana!” hiyaw ng babae.
“Nabasa ko po sa pahayagan sir, ilang mga
babae raw ang ginahasa ng mga hayop na ito.”
Walang tigil sa pagtakbo ang dalagita.
Pagod na pagod na siya. Hindi niya alam kung saan siya ihahatid ng sariling mga
paa. Nais niyang ibaling sa pagtakbo ang pag-aalala niya, ang pagdadalamhati
niya. Hanggang sa napahinto sila sa harap ng isang may kalakihang kanal. Doon
niya binaba ang nakababatang kapatid.
“Dito tayo magtago. Ipikit mo lang ang mga
mata mo at bukas paggising mo ay magiging maayos na rin ang lahat.”
Akmang magtatago na sana ang dalagita
ngunit nahuli ito ng ilang mga rebelde. Hinablot ng mga ito ang balikat ng
dalaga. Pilit hinubaran ng saplot. Pinagpapasapasahan. Napasigaw ang dalagita.
Humihikbi habang nililingon ang kanal na pinagtataguan ng kaniyang kapatid.
Naroon ang bata at umiiyak na nakasilip sa kanila. Palihim niyang sinenyasan
ang kapatid na tumahimik. Tinakpan na lamang ng bata ang bibig at tumalikod.
Pumikit ang munting bata at umaasang paggising niya ay magiging maayos din ang
lahat.
Napatingin na lamang ang lieutenant sa mga
rebelde. Hayo’t wala nang patid ang babae sa kasisigaw habang hinahalay ng isa
sa mga kasamahan nito. Nagpupumilit kumalas ang lalaking rebelde nang makita
ang kahayupang ginawa ng mga sundalo sa asawa. Walang magawa ang lalaki kundi
ang pumikit na lamang, sumigaw nang sumigaw habang pinuputulan ng mga daliri. Ngunit
wala na yatang hihigit pa sa sakit na makitang hinuhubaran ng dangal ang taong
pinakamamahal niya. Nagpukol ng ngiti ang lieutenant habang minamasdan ang
paghihirap ng mga ito.
Napatingin siya sa limang taong gulang na
bata, umiiyak. Nanlambot ang kaniyang damdamin. Linapitan niya ito. Hinimas-himas
ang buhok ng bata. Hindi niya namalayang lumuluha na pala siya. Binulungan niya
ang bata.
Wala
nang buhay ang walang saplot na dalagita. Ngumingiti-ngiti pa ang mga rebelde
habang sinasaplutan ang mga sarili. Maya-maya ay napatingin sila sa isang batang
nagtatago sa kanal. Sabay na nagtawanan ang mga ito. Isang malakas na putok ang
tumama sa kanang balikat ng bata. Hayo’t natumba ang bata mula sa pagkakaupo,
subalit nakapikit pa rin ito sa kabila ng matinding kirot. Umaasang sa muli
niyang pagdilat ay magiging maayos din ang lahat.
Pumikit ang bata tulad ng binulong ni
Lieutenant Rodriguez. Kinuha nito ang alagang baril.
“Bang!” isang putok na tumigil sa sigaw ng
rebeldeng pinutulan ng daliri.
“Bang” isang putok ang tumigil sa paghikbi
ng babae.
Naroon at nakapikit pa rin ang bata. Umalis
ang lieutenant at pumasok sa loob ng kampo. Iniwan ang kasamahan at ang bata.
Naramdaman niya ang nagbabadyang pagtangis ng kaniyang mga mata.
“Bang!” napahinto siya. Ayaw niyang
lumingon. Ayaw niyang lingunin ang bata. Napatingin na lamang siya sa peklat ng
kanan niyang balikat. Lihim siyang napahagulhol, at tulad ng madalas niyang
ginagawa, ipinikit na lamang niya ang mga mata at umaasang sa muli niyang
pagdilat ay magiging maayos na ang lahat…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento