Martes, Nobyembre 22, 2016

Pekababaya-an Ko Seka (I Love you)


Sumasayaw-sayaw ang bombilyang nakabitin sa ibabaw ng mesa, gayon din ang ilaw na sumusunud-sunod sa bawat galaw nito. Naglalaro sa bawat sulok ng madilim na selda. Naroon si Faisal at nakaupo sa harap ng mesa. Nakaposas ang dalawang mga kamay. Pilit pinaaamin sa kasalanang minsan niyang pinagsisihan. Apat na kamao na ang tinanggap  ng namamaga niyang labi. Paulit-ulit siyang sinasaktan. Kumikirot na ang kaniyang buong katawan, ngunit hindi nito kayang higitan ang kirot ng kaniyang damdamin.
     “Umamin ka, may kinalaman ka ba sa mga nangyari?” bulyaw ng isang pulis kasabay ng paghalik ng umuusok na sigarilyo sa kaniyang namamagang balat.
Napasigaw siya. Gumuhit sa kaniyang gunita ang imahe ng isang napakagandang dilag, si Bai Noraisa. Ang nangungusap nitong mga mata, ang hugis puso nitong labing ngiti ang laging ibinubungad, at ang makinis nitong balat na larawan ng isang Pilipinang kaligatan ay kapiraso lamang sa kabuuan ng kagandahan nito. Bulag na ang isang Maranao na hindi nabibighani sa kariktan nito. Ngunit hindi ito ang natatanaw ng puso ni Faisal, bagkos ang walang kasimpuro at dalisay na damdaming higit na nagpapatingkad sa karilagan nitong angkin. Taglay nito ang likas na kabutihan, kayumihan, at asal ng isang katutubong Maranao, ang pinakamatingkad na hiyas ng kaniyang lupang tinubuan. Ang mutya ng kaniyang bukang liwayway. Isang dilag na sinaplutan din ng karangyaan. Malungkot na nakatingin sa kaniya. Napaluha siya. Parang kidlat na tinakasan ng kaniyang isipan ang hapdi at kirot ng kaniyang katawan.
“Ipinagkasundo nila ako kay Salic. Nais ng mga magulang ko na pakasalan ang business partner ni abe. Natanggap na namin ang betang nang lingid sa kaalaman ko.”
Hindi nakakibo si Faisal sa narinig. Dumating na ang kinatatakutan niya, na maningil ang panahon sa kapangahasan niyang ibigin si Noraisa, ang kaisa-isang babaeng anak ng mayor ng lungsod ng Marawi. Ano nga bang maipantapat niya kay Salic? Ni isang kalabaw ay wala siyang pag-aari. Ni hindi man lang siya nakatuntong sa kolehiyo. Isa lamang siyang hamak na karpenterong Maranao. Tanging ang puso ng isang dalisay na mangingibig ang kaniyang tanging maipagmamalaki. Subalit batid niyang hindi magawang bilhin ng puro niyang pag-ibig ang puso ni Noraisa. Ano nga ba ang naging kasalanan niya? Bakit tinutulan ng panahon ang kanilang pagmamahalan? Mahal niyang ang kaniyang kinagisnang paniniwala. Iginagalang niya ang katutubong kalinangan. Ngunit kailanman ay hindi kayang unawain ng puso ng isang mangingibig ang pagkakasangkapan ng kayamanan upang pagbigkisin ang dalawang kaluluwang nagmamahalan.
“Di ka makasagot? Maging ako man ay nalilito rin. Mahal kita Faisal at ayo’ kong may gawing masama si abe sa’yo kung saka-sakaling…”
“Ilalayo kita. Sa gabi ng ika-6 ng Oktobre, sa ganito ring oras, magkita uli tayo sa tagpuang ito. Magpapakalayo tayo. Ilalayo kita.
Isang malakas na suntok ang muling naghatid kay Faisal sa kasalukuyan. Naglaho ang imahe ng dalaga. Muli siyang gumising sa bangungot na kinasadlakan. Muling gumuhit sa kaniyang paningin ang naglalarong ilaw ng bombilya. Muli ay pinaaalahanan siya ng tumitinding hapdi at kirot ng katawan sa pagkakamaling nagawa niya.
“Matigas ka rin ha. Uulitin ko, may kinalaman ka ba sa nangyari? Umamin ka na kung ayaw mong masaktan pa!”
Subalit tanging ungol lamang ang bumasag ng kaniyang katahimikan. Ni katitig na salita ay hindi kayang palayain ng kaniyang labi. Maya-maya ay isang malakas na hampas ng isang matigas na bakal ang nadama niya sa kanang bahagi ng ulo. Aaminin man niyang isa siya sa mga rebelde ay wala pa ring magbabago. Hindi nito kayang burahin ang pagkakasala niya. Lalo lamang siyang mabubulok sa seldang iyon, pag-iinitan at sasaktan ng mga pulis. Tuluyan nang nalagas ang huling talulot ng rosas sa puso niya. Hindi na ito sisibol pa. Mabubulok sa bawat pitak ng kaniyang damdamin.
“Pumayag ka na. Pagkakataon mo na ito para makapaghiganti sa administrasyon. Di ba kailangan mo ng pera? Sayang din ang libu-libong matatanggap natin.”
“Pero komander, hindi ko po kayang pumatay ng inosenteng mamamayan. Marami na pong nadamay sa pakikipagbakbakan natin sa militar,” mariing wika ni Faisal kay Komander Fadel, ang puno ng samahan.
Lumapit ang heneral at marahang inilapat ang palad sa kanang balikat ni Faisal. Wari nais ikulong ng mga daliri nito ang balikat ng binata.
“Isipin mo na lamang ang karapatang matatamasa natin. Ang kalayaang hinihingi natin mula sa pamahalaan.”
Hinawakan ng binata ang nakabaong palad ng komander sa balikat at marahang inalis mula sa pagkakadampi.
“Ngunit hanggang kalian po komander? Ilang buhay po ba ang kailangang madamay para sa karapatang ito? Ilang taon na po ba tayong nakikipaglaban sa pamahalaan? Wala pa ring nangyari.”
“Upang mabusog ang maraming sikmura, kailangang may ilang karneng isasakripisyo. Kung butil ng dugo ang kapalit ng pagbubukang liwayway ng bayan natin, katiting lamang ito sa libu-libong kaluluwang mabubuhay. Pamangkin ko, maghintay ka, malapit na. Ngayong nalalapit na kapistahan ni San Miguel sa Iligan City, dadalaw raw ang pangulo sa cathedral ng lungsod. Magtatanim ka lang naman ng bomba sa simbahan. Huwag kang mag-alala. Ibibigay sa atin ang unang suhol at milyun-milyon ang matitiba mo don”, ani komander Fadel. Unti-unti nang naghihiwalay ang kanina’y nagkatagpong kilay sa mukha at bakas ang pag-asa sa nabuburang guhit ng noo nito.
Nababagabang ang kalooban ni Faisal sa sandaling iyon. Alam niyang maraming tao ang madadamay sa oras na isasakatuparan niya ang ipinag-uutos. Alam niyang labag sa ipinag-uutos ni Allah ang pumatay. Ang isang mabuting hangarin ay hindi naaangkin sa maling kaparaanan. Malapit nang matapos ang Ramadan at nangako siyang hindi na babalik pa sa digmaan. Nais niyang gampanan ang obligasyon niya bilang isang tunay na Muslim, ang mamuhay nang mapayapa at mamuhay sa mga salita ni Allah. Subalit milyon, milyun-milyong salapi. Sapat na iyon upang maipagamot ang inang maysakit, sapat na iyon upang mapagtapos ng pag-aaral ang mga kapatid niya at makapag-umpisa ng panibagog buhay…milyun-milyon…sapat na iyon upang maangkin niya nang buo ang puso ni Noraisa. Litung-lito na siya. Hindi niya alam kung ano ang susundin, ang ispiritwal ba niyang pangangailangan bilang isang Muslim o ang pisikal na pangangailangan niya bilang isang tao? Galit siya sa pamahalaan, galit siya sa pangulo. Dinakip ng mga militar ang amang walang kamalay-malay. Pinagbintangang isa sa mga MILF. Pinahirapan nila, binugbog hanggang mamatay. Sinabi nilang inatake lamang sa puso. Ngunit hindi ito ang ibinubunyag ng libu-libo nitong mga pasa, ng duguang ilong, ng namamagang mukha. Naghirap sila nang mamatay ang ama. Nagkasakit din ang ina dahil sa labis na pagdadalamhati. Masakit ang mawalan ng kabiyak ngunit higit na masakit ang makitang hinubaran ng dangal ang labi ng taong minamahal mo. Ang pamahalaan ang nagtulak sa kaniyang humawak ng baril, ang makipaglaban para sa karapatan nila. Iyon ang pinanghawakan niya upang maangkin ang milyong salapi.
“Mukhang ayaw pa ring umamin ah. Mh… Matigas ka ha. Tingnan natin kung hanggang saan iyang katigasan mo,” pangiting sambit ng isa sa tatlong pulis na nagpahirap sa kaniya. Kumuha ng kumukulong tubig ang kasamahan nito at marahang ibinuhos sa ulo ni Faisal. Binalot ng sigaw ang buong selda. Walang tigil ang sigaw ng binata sa bawat pagdagayday ng kumukulong tubig sa kaniyang katawan. Nanginginig ang mga kalamnan niya sa init. Pinilit niyang lumaban at pumiglas mula sa pagkakaposas. Mainit. Ngunit hindi kayang pawiin ng init nito ang lamig na naghahari sa kaniyang puso. Animo’y isang munting halamang unti-unting nalalagas sa gitna ng taglamig.  
Naroon siya sa labas ng cathedral. Nakayuko habang malungkot na minamasdan ang bawat paghakbang ng kaniyang mga paa. Kahit pilitin man niyang pagharian siya ng galit upang matupad lamang ang binabalak, ginagambala pa rin siya ng kaniyang konsensya. Naglalaban ang kaniyang diwa’t kalooban. Subalit nagambala ang kaniyang pagdidili nang mabangga siya ng isang aleng nakapulang balabal. Pinukulan niya ito ng tingin ngunit madaliang pumasok sa simbahan ang babae. Napatingin na lamang siya sa buong paligid. Ilang mga mukha ang bumungad sa kaniyang paningin. Ilang pamilya ang masayang nagsasama-sama habang nagsisipasok sa simbahan. Ilang musmos ang nakita niyang masayang kumakain ng sorbetes habang hawak-hawak ang mga matitingkad na lobo. Nalulungkot siya. Alam niyang maya-maya ay mapapalitan ng hikbi ang mga tawanan at ngiting iyon. Ilang pangarap ang maglalaho. Ngunit ayaw niyang guluhin pa ang sarili. Kailangan niya ng salapi upang maabot ang pangarap niya, kailangan niyang magpatuloy.
“Umamin ka! Isa ka ba sa nagtanim ng bomba sa cathedral? Ha?”
Hinang-hina na siya. Lapnus na lapnos na ang mga balat niya. Marahil ay unti-unti nang pinatitikim ni Allah ang kaparusahan sa ginawa niya. Napaisip siya, ganoon din ba katindi ang nag-aabang na kaparusahan sa impyerno? Sa dinami-rami ng buhay na sinira niya, alam niyang wala nang saysay ang pagsisisi niya. Hindi na kayang ibalik ng bawat patak ng kaniyang luha ang buhay ng mga taong winasak na. Hindi na kayang buuhin ng kaniyang mga luha ang nadurog niyang damdamin.

     Sa ilalim ng naghaharing buwan, naroon si Faisal at naghihintay sa kanilang tagpuan. Alam niyang matutuwa ang kasintahan sa balitang hatid nito. Hindi na niya kailangan pang itanan si Noraisa, ang kaniyang Bai. Kaya na niyang bilhin at ariin nang buo ang puso nito. Sabik na sabik na siyang makita ang katipan. Ilang oras siyang naghintay, ngunit wala pa ang kasintahan. Naroo’t nakapako pa rin ang kaniyang paningin sa mga talang tahimik na nagkikislapan. Wari mga diyamanteng nagkalat sa langit. Tila nagtatagisan ang bawat kislap nito sa pag-angkin ng kaniyang paningin, subalit may sariling kislap ang kaniyang mga mata na hindi kayang higitan ng kahit ano mang ningning. Maya-maya ay dahan-dahan nang ipinagkait ng langit ang kakarampot na liwanag nito. Nilamon ng mabibigat na ulap ang mga ningning nito. Tila nais nitong pagdamutan ng liwanag ang kaniyang mga balintataw sa lilim ng makakapal na kadena ng gabi. Unti-unting namanglaw ang kislap sa kaniyang mga mata. Wala pa si Noraisa.  Ni anino man lang ng dalaga ay hindi niya makita. Bakas sa namumuong luha sa mga mata ng binata ang panghihina. Di nito mapigilang humikbi. Humagulhol siya. Paulit nitong sinusuntok-suntok ang matayog na punong nasa gilid niya. Hindi sumipot ang katipan. Malinaw na  sa kaniya ang lahat. Naikasal na si Noraisa kay Salic. Hinagod niya ng tingin ang buong paligid. Sa katiting na liwanag na hatid ng langit ay umaasa pa ang kaniyang matang maipipinta sa paningin ang anino ng dalaga, subalit bigo siya. Napaupo siya sa malaking batong madalas nilang inuupuan ng dalaga, ang tanging saksi sa kanilang mga nakaw na sandali. Isinubsub niya ang mga palad sa namamasang mukha. Dinaig ng kaniyang hagulhol ang katahimikan ng paligid, subalit katahimikan pa rin ang itinugon nito. Marahang lumakas ang ihip ng hangin. Tinangay nito palayo ang suot niyang tutong. Marahang pinaglalaruan nito ang sumasayaw-sayaw niyang buhok. Nabatid niya ang paghagod nito sa kaniyang buong katawan. Tila isang inang ikinukulong sa braso ang nananaghoy na anak, nais bigyan ng kalinga. Maya-maya ay tuluyan nang lumakas ang hangin. Ibinaba niya ang mga kamay. Napayuko siya nang masalat ng kaniyang kanang kamay ang isang munting papel na nakaipit sa butas ng bato. Tila may sariling buhay ang kaniyang mga daliri nang dukutin nito ang papel at buksan. Sa kakarampot na silahis ng buwan, naaaninag ng kaniyang mga mata ang mga titik na nakasulat dito. Saglit na nanumbalik ang paghari ng luningning sa kaniyang mga mata nang makilala niya ang may-ari ng sulat kamay.


Setyembre 27, 2008
Mahal kong Faisal,
            Ilang gabi akong ginising ng kalungkutan sa kandungan nitong malamig kong puso. Natatakot akong baka hindi ko na masilayang muli ang ganda ng buwan na kasama ka, ang tingalain at mangarap sa mga nagkikinangang tala sa piling ng mga nakaw nating sandali. Simple lang naman ang pangarap ko, ang magkaroon ng masayang pamilya kasama ka. Ang manirahan sa isang maliit na bahay na malayo sa siyudad kasama ka at ang mga magiging anak natin. Nakalulungkot, nakalulungkot isiping ito’y pangarap na lamang. Isang halik sa hanging kalian ma’y hinding hindi mahahagilap nitong nangangarap nating puso. Isang hanging habangbuhay na maglalaro sa alapaap ng ating mga pangarap. Sa ika-3 na ng Oktobre ang kasal naming ni Ali. Kinuha ni Omi ang aking cellphone kaya hindi na ako makapagtext sa iyo. Hindi ko na mahihintay pa ang itinakdang gabi ng ating pagtatanan. Ilang gabi kong binibisita ang ating tagpuan. Umaasang naroon ka’t maipaaalam sa iyo ang tungkol dito, kaya iiwan ko na lamang ang liham na ito sa tagpuan natin. Sana’y mabasa mo ito agad.
            Sa darating na kapistahan ni San Miguel sa lungsod ng Iligan, hihintayon kita sa cathedral.  Magsusuot ako ng pulang balabal. Doon ay walang makasusunod sa atin. Walang maghihinala. Hihintayin kita sa loob ng simbahan. Pekababaya-an ko seka.

Ang nagmamahal mong Bai,
Noraisa

Wala pa ring patid ang pagpapahirap ng mga pulis sa kaniya. Di na mabilang ang mga paso ng sigarilyo sa kaniyang katawan. Tila puputok na rin ang namamaga niyang mata. Hinang-hina na siya. Ilang mga patak ng dugo ang napapansin niyang naglalaro sa kaniyang pisngi. Mga dugong luha ng kaniyang kabiguan. Hinangad lang naman niyang masabayan ang mabalasik na takbo ng kapalaran, ang makipagsabayan sa nakalilinlang na laro ng buhay, subalit hayo’t nilinlang lamang siya ng kaparalan, pinaglaruan ng pagkakataon. Ibinilanggo sa selda ng bigo niyang pangarap, sa malamig na rehas ng kaniyang pagdadalamhati.
     Hinang-hina na siya. Ilang mga hampas at suntok na ang tinanggap niya. Di na niya matiis ang hapdi ng balat. Naroon pa rin ang mga pulis at walang tigil siyang pinahihirapan.
     “Umamin ka na!” paulit-ulit na sigaw ng mga pulis. Naliligo na siya sa sariling dugo. Hindi na mababakas sa kaniyang mukha ang bawat patak ng kaniyang mga luha.Ilang beses nang naminta sa kaniyang mga mata ang bawat butil ng luhang nagbabadya ng paglisan ng kaniyang lakas.
     “Umamin ka na…”
     Napatingin siya sa mukha ng mga pulis. Ngunit hindi na maiguhit ng kaniyang paningin ang mga mukha nito. Lumalabo ang buong paligid.
     “Um . . . mi . . . k . . . na. . .”
     Tila bumabagal ang pagtakbo ng oras.
     “u. . . ma . . . mi . . . n. . . k. . .a. . .n. . .na. . .”
     Pabagal nang pabagal. Napansin niya ang isang kamaong papalapit sa kaniya, mabagal na mabagal. Pabagal nang pabagal. Hanggang sa dumampi sa kaniyang pisngi, ngunit inulila ng kirot ang kaniyang katawan.
     “u. . .ma. . .mi. . .n. . .k. . . . . ”
     Unti-unti nang nilalamon ng kabagalan ng oras ang boses. Hanggang sa tuluyan na itong naglaho. Nilamon ng katahimikan ang buong paligid. Ni ingay ng mga sumasayaw-sayaw na bumbilya ay hindi na tumatagos sa kaniyang pandinig. Tanging ang mabagal na pagsuntok ng mga pulis sa kaniya ang iginuguhit ng namamanglaw niyang paningin. Napatingin siya sa buong paligid. Wari unti-unting naglalaho ang liwanag ng bombilya, tumitiklup-tikolop.Naglalaho…lumiliwanag…naglalaho…lumiliwanag…paulit-ulit. Dahan-dahan. Muli ay dahan-dahan na namang tumitiklop ang liwanag ng bombilya. Hindi na maiguhit ng lumalamlam na liwanag nito ang anino ng nanlulupaypay niyang katawan. At sa ilang saglit ay tuluyan na siyang kinumutan ng dilim…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento