Martes, Nobyembre 22, 2016

Uha (Tula)

Uha


U-Uha,uha,uha…Itay, naririnig mo?
Ang sinabi ko, yakapin mo rin sana ako
U-Uha,uha,uha… makinig ka naman o
Nais ko lang madama ang init ng bisig mo

O, bakit mo binigay itong lampin kay inay?
Ayaw mo na ba akong bihisan aking itay?
Nais ko lang madama ang haplos ng yong kamay.
At maglaro sa ‘yong bisig nang habangbuhay

Yehey! Sawakas, hinalikan ako ni Itay
Ngunit bakit ang halik mo’y labis na kaytamlay?
Napakalamig at sa wari ko’y walang buhay
Hindi mo na ba ako mahal, oh aking itay?

Naku! At saan ka naman ba tutungo itay?
Bakit mga maleta ang iyong tangay-tangay?
At iniwan mo namang tumatangis si Inay
Uha, uha, uha…ako’y ‘wag mong iwan Itay!

Di ba sabi mo Itay, aalis ka sandali?
Bakit hanggang ngayo’y  di ka pa rin umuuwi?
U-uha, uha, uha…hi-hindi! Hindi! Hindi!
Sadya bang ang pangako’y napapako nang lagi?

Ang hangad ko lang naman ay matutong maglakad
Habang hawak-hawak ko ang iyong mga palad
Nais ko lang matikman ang hapdi ng ‘yong palo
Upang pangaralan ako at bigyan ng payo

Ang damut-damot n’yo naman po sa akin Itay
Ang iyong pagbabalik, kaytagal kong hinintay
Wag n’yo naman pong ipagdamot ang pag-ibig n’yo
Konti lang naman po ang hinihingi ko sa ‘yo

Uha, uha…sino s’yang sa iyo’y umuuha?
U-uha, uha, uha…sino siya, sino s’ya?
Nakikipagtunggali nitong aking pag-uha
Hi-hindi! Hindi! Tu-tumigil ka, tumigil ka!


Balita ko’y may ibang umuha sa ‘yong bisig
Panay daw ang paghele at ang iyong pagtapik
Napakapalad niya pagkat ‘yong pinarinig
Ang heleng hinanap-hanap ng aking pandinig

Uha, uha…Itay, bakit s’ya’y naririnig mo?
Habang ako nama’y binging pinakikinggan mo
Itay, sa akin po ay makinig ka naman o
Nais ko lang matanaw kahit ang anino mo

Sa bawat higpit ng pagyakap mo sa kaniya
Ay siya ring higpit ng aking pangungulila
Bulyaw at sermon mo, sa kan’ya’y sumpang kaytinik
Ngunit himig na hinangad ng aking pandinig

(Uha)
Itay, ang daliri ko’y kaya ko nang bilangin
(Uha)
Ang mga tuhod ko’y naitutuwid ko na rin
(Uha)
Kaya ko nang baybayin ang salitang pag-ibig
(Uha)
Ngunit bakit ang itay, di ko maisatinig?
Ngayon ay bulag na nga, ang aking mga mata
Maging ang damdamin ko, ngayo’y kinalawang na
Ang telon ng guni-guni, ngayo’y nagsara na
Ang nagbabagang pag-asa, ngayo’y kaylamig na

Ngayo’y said na nga, itong aking mga luha
Ngayo’y sumusuko na, ang lalamuna’t dila
Ang mga uha ko’y unti-unting binubura
Nitong gula-gulanit kong damdami’t haraya!

(Ngayo'y hindi na ako uuha
Uha, uha, uha, uha..
Hinding-hinding-hindi na
Uha, uha, uha..
Hinding-hindi na
Uha, uha..
Hindi na
Uha..)

Ngayon sa paningin ko, ikaw ay nakapinta
Sa kahimbinga’y di magkalasan ‘yong pilik-mata
Kasabay ng mga liwanag na nagluluksa
Sa dahan-dahang natutunaw na kandila

At sa sapilitang pagtakas ng kaluluwa
Nawa’y baunin mo ama
            Ang aking huling pag-UHA…

Wanted Sale-Lady (Tula)

Wanted

Sale-Lady


Ang biodata kong gusut na gusot na
Di ko na mabilang, di na masikmura
Kapirasong papel, panulat ay luha
Pagkataong wasak, ang siyang aking tinta

( Trabahong Nais Pasukan: ) Ang nais Pasuka’y Sale-lady lang naman
Sumimot ng barya sa gusot na laman
Isubo ang tuwa sa nais matakam
Sa ligayang huwad at panandalian

( Pangalan: ) Ako’y kilalanin, Gracia Nadisgracia
( Kasarian: ) Babae ng lahat, manika mo’t tuta
(Araw ng Kapanganakan: ) Araw ng paglisan ni Hesus sa Lupa
Nang ako’y iluwal sa hikbi ni Mar’ya
Kaya ang namana’y pawang pagdurusa
(Lugar ng Kapanganakan: )  Sa kumot ng dilim, sa ungol ng pusa

( Kalagayang Sibil: ) Ang aking kabiyak ay patay na puri
( Nasyunalidad: ) Pagpagan ng libog itong aming lahi
( Relihiyon: ) Nitong kaluluwang walang kasing panghi
Itinaboy ng Diyos, parusa’y pighati

(Edukasyong Natamo: ) Mapanghamong buhay ang siyang aking guro
Pagbilang ng luha ang kaniyang tinuro
Pagbasa’t pagsulat ng libog sa hamog
Sa dilim ng klasrum nakikiindayog

(Kasanayan: ) Sanay nang gumuhit ng ngiti sa labi
Kahit na krayola’y may kulay ng hapdi
Sanay nang maghandog ng libog sa ungol
Kahit hinihimig ay isang hagulhol

( Tirahan: ) Sa itim na bilog ako’y nakapinta
Diyan sa lalagya’t imbakan ng luha
D’yan matatagpuan itong aking lungga
D’yan sa durungawan ng ‘yong kaluluwa

Ang Talinghaga ng Isang Bakla (Tula)

Ang Talinghaga ng Isang Bakla


Ako’y masdan mo nang mata’y nakapikit
Di ba I can soar high like your wings in the sky
Ngunit…
Ika’y may naamoy
Kaya Gosh! Mata mo’y biglang napadilat
Hayan tuloy, sa lupa ako’y lumagapak
Ouchy! At nabali pa itong aking mga pakpak

Kaya gapang na lang ang drama
Ng bidang si Baklang Dora
Eh paano, sa malagkit na putik ako bumagsak
Mh! Binali mo na nga ang mga bagwis ko
Dinungisan mo pa ang aking mga balahibo

Kaya Proserfina ang drama ko ngayon
Daig pa si Marian sa pagra-running marathon
Kaso, ako’y hindi nga lang hinugot sa iyong tadyang
Hinugot ako, sa bayag mong amoy bawang
Hahahaha…

Kaya hayon,
Nangangamo’y bawang tuloy ang aking kaluluwa
Kaya heto’t hindi mo ako masikmura
Aba! Eh sino kang dura dura nang dura kuya?
Eh sing panghi lang ng ihi ko ang ihi mo duhba?

But then again
Pikit ka pa, sige na, sige na
At takpan mo na rin ang ilong mo ha
Eh sa gusto ko pang makisamyo and to fly
Sa sariwang hangin ng alapaap ng buhay
Kaya pikit ka pa papa
Sige na

At itatabi ko muna ang mga bato
Sa putik na babagsakan ko…

Paano Patutulain Ang Antuking Mag-aaral? (Tula)

Kung hinihikab ang mag-aaral mong tangi
Sa paglikha ng tulang kawili-wili
Huwag madismaya ni pumutok ang butsi
Hayaan mong siya’y matulog nang nakangiti

Hayaang sa bangungut ng realidad, siya’y mahimbing
Nang siya ay kusang magising
At maghandog ng tulang katangi-tangi
Na ang kaluluwa ay sa halik hinabi

…kaya ang panutong ito’y basahin na
            Habang naglalagkitan pa ang kaniyang mga pilik-mata…

Istep wan:       
            Mamitas ng sangkatutak na sili sa hardin ng kahirapan
            At isawsaw sa nakabukas na lata ng nabubulok na sardinas
(sardinas na iniluwal ng pabrikang may nabubulok na sistema)
Hintaying mamintana ang laway sa kaniyang mga labi
At sa sandaling magkalasan ang mga ito
Saka mo isubo sa kaniya nang dahan-dahan

Istep tu:
            Huwag mo nang hintayin pang mag-aklas ang kaniyang dila
            sa nabubulok na sardinas
            Ipalamon mo agad ang sili sa kaniyang bunganga
            Ipalamon mo nang ipalamon…
            Mariin nang mariin…
            Hanggang siya na mismo ang tumangging huminga
            Upang wakasan ang mapait na lason sa nabubulok na sardinas

            Kung naghahangad pa siyang huminga
            Paniguradong kusa niyang ngunguyain ang sili
            Sapol! Maduduwal siya nang maduduwal
            Sa anghang ng sili at sa pait ng nabubulok na sardinas

            Magmamaktol at mamimilipit sa sakit ang kaniyang sikmura


Istep tri:
            Huwag mo nang hintaying sumuka siya ng dugo at mangisay
            Hindi sapat iyan!
            Kumuha ka ng tinidor at ibaon sa kaniyang mga mata
            Ibaon mo nang ibaon…
            Hangga’t kusang takasan ng kaniyang paningin
ang larawan ng kaniyang daigdig
            Bunutin mo ang kaniyang mga paningin
            At itapon sa mga gabundok na basura sa gilid ng bangketa
            Hayaan mong paglaruan at gawing bola
            Ng mga Badjao sa lansangan ang kaniyang mga mata


Istep for: 
            Kumuha ka ng sundang
            At tadtarin ang kaniyang mga kamay at braso
            Hiwain ang kaniyang daliri nang pinung-pino
            At ibahagi sa mga…
                        Nangangalaykay ng basura…
                                    Nanlilimos sa kalye…
                                                Natutulog sa bangketa

Istep fayv:
            Laslasin ang kaniyang mga tainga
            Itapon ang kaniyang pandinig sa gitna ng kalye
            Hayaang bingihin ito ng mga…
                        Nagbabangayang sasakyan…
                                    Tagaktak ng mga nagkakarerahang sapatos…
                                                Taginting ng mga kinalawang na latang uhaw sa barya
                                                            Piping bulong ng mga butas at maninipis na tsinelas


Istep siks:
            Ialay ang kaniyang mga palad
sa namamawis na dugo ng mga…
            gurong domestic helper…
                        karpinterong may marurupok na martilyo…
                                    manggagawa sa marurungis na pagawaan…
                                                magsasaka sa naninigang na lupang sinasaka…
                                                            mangingisda sa maramot na karagatan


Faynal Istep:
            Hintayin mo ang pagluha ng langit
            Saka itapon ang kaniyang katawan sa putikan
            Hayaang kumutan siya ng dilim
            Sa lilim ng nagluluksang dabi
            Maghukay ng kaniyang libingan
            At baunan siya ng malaking salamin
            Upang Makita niya ang kaniyang sarili
            Sa sandaling pukawin ng kirot at hapdi ang kaniyang kamalayan


At panigurado
            Bago sumapit ang hating gabi
                        Babangon siya sa hukay at tutulaan ka






Sa Tanikala ng Dilim

Sa Tanikala ng Dilim


At tiniklop ko na
ang maiitim kong bagwis
mula sa paglalaro sa lilim
ng naghaharing buwan...

Panahon nang putulin
ang matutulis kong pangil
at muling mahimbing sa kabaong
upang takasan ang nakasisilaw
na silahis ng mapanghusgang araw...

Sige lang,
kasusulsi ko lang
sa matagal nang napunit
na mantsado kong dangal...

Isasaplot ko ulit ito
sa hinubaran kong pagkatao
upang sa muling paghari ng araw,...
Hindi na magagawang lapnusin
ng silahis nito ang aking balat,
hindi na ako mangangapa sa liwanag..

Magagawa ko uling linlangin
ang mundo
tulad ng paghamak ko sa araw...

Kahit alam kong pagsapit ng dilim…
muling manunumbalik
ang aking matutulis na pangil,
muling mabubuhay
ang pagnasa sa laman,
muling maglalaro sa dilim
ang maiitim kong bagwis...

At muling MAPIPIGTAS
ang marurupok na sinulid
sa makailang ulit kong
sinulsing DANGAL..

Ikaw (Tula)


…ikaw
        ang hamog sa naninigang na dila
                        ang gumagapang na silahis ng araw
                                    sa nag-aagaw-buhay na gabi
                                                ang makukulay na talulot ng bulaklak
                                                sa kasagsagan ng tagsibol
                                                            ikaw…
…ikaw
         ang payong sa tag-init
            ang matamis na ngiti sa harap ng altar
                        ang mainit na halik sa lilim ng mga pangako
                                    ang bawat titik ng aking talaarawan
                                                titik ng mga sandali
                                                            ang tinta ng aking panulat
                                                                        ang pinakamatamis na salitang
                                                                        hinabi ng pinakamatamis na ponema
                                                                                    ang nilalanggam kong alaala
                                                                                                ikaw…
…ngunit bakit ikaw
         ang mga sumasayaw-sayaw na dahon
            sa alapaap ng taglagas
                        mga nalagas na lantang dahong sabik sa halik ng lupa
                                    ang bawat piraso ng bobog sa aking talampakan
                                                ang sumasayaw-sayaw na anino ng 
                                                         naghuhugis-buwang lubid
                                                                ang nakatiwarik na silya

                                                   …ikaw
                                                                        ang madilim na ulap ng tag-ulan
                                                                        ang liwanag sa puting kandila
                                                                        ang rosas sa salamin ng kabaong
                                                                        ang mga paninging binakuran ng luha
                                                                        ang mga basang panyo
                                                                        ang nahihimbing na pulso
                                                                        ang huling hanging hininga
                                                                                    ikaw…


                                                                                                ang huling butil ng luha…

Tigang na Luha (Maikling Kuwento)


      Mahigpit na nakayakap ang pitong taong gulang na batang lalaki sa baywang ng kanyang ina, umiiyak. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari, ngunit alam niyang nagkagulo sa paligid. Binuhat siya ng labing pitong taong gulang niyang kapatid na babae. Umiiyak din. Maging ang inang nasa tabi nito ay walang patid ang paghikbi. Maya-maya ay isang malakas na sigaw ang narinig nila mula sa labas ng kanilang pintuan. Madaliang sumilip ang ina sa bintana. Hayo’t gumuhit sa kaniyang pangingin ang nagtatakbuhang mga kapitbahay, nagsisialsabalutan. Napatingin ito sa natutulog na langit. Hayo’t pinagharian na ng pulang liwanag mula sa mga nagliliyabang bahay. Ang asawa niya, nasaan na kaya? Hindi pa ito dumarating. Sinasalakay na ng mga rebeldeng Muslim ang buong bayan ng Lapayan, Kauswagan, Lanao del Norte. Nag-aalala na siya. Hindi siya mapakali. Binalot ang buong paligid ng walang tigil na bangayan ng mga armas. Putukan. Hayo’t naglalaro sa kaniyang pandinig. Ngunit isang malakas na tinig ang nagnakaw ng kaniyang atensyon.
     “Aling Rosa! Ang asawa niyo po, binaril ng mga rebelde! Lumikas na po kayo. Paparating na sila. Sinusunog nila ang mga bahay na madadaanan nila.”
     Hayo’t bumaha na ng luha sa loob ng kanilang tahanan. Humakbang papalapit sa ina ang panganay na anak at mahigpit itong yumakap habang tahimik lamang na nakatitig ang bata sa humahagulhol na ina.
     Napakunot ng noo si Lieutenant Rodriguez sa binasang pahayagan. Sumalakay na naman ang mga rebelde at nanunog ng mga bahay sa ilang mga bayan ng Lanao del Norte. Hindi pa nga nailibing ang mga tauhan niyang namatay sa naganap na engkwentro sa Cotabato kamakailan lang ay heto’t naghahamon na naman ang mga ito. Tila mainit na kumukulong tubig ang kaniyang dugo sa tuwing nakaririnig siya ng balita patungkol sa mga rebelde. Nanggigigil siya. Maging ang alagang baril ay nauuhaw na rin sa kaluluwa. Nais na niyang iputok ito. Sabik na sabik na siyang pumatay ng mga rebelde. Dito siya nagiging Masaya. Dito niya naibubuhos ang lahat – galit, pagsisisi, pagdadalamhati. Ito ang buhay niya, ang buhay na hinubog ng madilim niyang kahapon. Ang malakas na putok ng baril at hiyaw ng mga kanyon ay isang masarap na musika sa kaniyang pandinig. Digmaan ang tahanan niya, ang langit niya. Muli niyang binasa ang hinawakang pahayagan.
     Hayo’t nilamon na ng apoy ang buong bahay nila. Madalian nilang nilisan ang bahay. Akay-akay ni Aling Rosa ang limang taong gulang na anak habang hawak-hawak naman ng kaniyang kanang kamay ang dalagitang anak. Tumakbo sila nang tumakbo. Nag-aapoy na ang nararaanan nilang bahay. Wala na ang kaniyang asawa at ayaw niyang may isa pang mawala sa pamilya niya, ngunit isang malaking ugat ng puno ang bumara sa kaniyang pagtakbo. Bumagsak si aling Rosa. Madaliang lumapit ang dalagitang anak at inakay ang ina. Papalapit na ang mga rebelde. Hindi mapakali ang panganay na anak. Wala ring tigil sa pag-iyak ang limang taong gulang na kapatid. Lumapit ang munting bata sa ina at tinulungan ang kapatid sa pag-akay. Umaasang may maitutulong ang mga munti niyang lakas sa pag-akay kahit nakasandal ang ina sa panganay na anak. Hilaw man sa kamuwangan ngunit alam ng puso nitong nasa panganib sila. Marahan nilang tinulungan ang ina sa paghakbang. Ngunit isang malakas na putok ang nagpatigil sa kanila. Bumagsak si Aling Rosa. Duguan. Lumingon ang dalawang anak sa likuran. Inabutan na nga sila ng dalawang rebelde. Muli nilang tiningnan ang inang may tama ng baril at nagpatuloy sa pag-akay.
     “Nay, kaya niyo pa po?” paiyak na wika ng panganay na anak. “Tayo na po nay”.
     “Umalis na kayo! Iligtas niyo na ang mga sarili ninyo!” sigaw ni Aling Rosa.
     Ngunit ayaw pa ring umalis ng dalawang anak. Walang patid ang pag-iyak ng mga ito.
     “Nay, sasamahan po namin kayo.”
     “Huwag niyong isipin ang nanay. Iligtas niyo na ang mga sarili ninyo. Huwag mong pabayaan ang kapatid mo. Mahal ko kayo,” sabay halik sa dalawang anak.
     Palapit na nang palapit ang mga rebelde. Inakay na ng panganay na anak ang kapatid upang mapabilis ang pagtakas. Ayaw niyang iwan ang ina, subalit paulit-ulit silang pinapalayo nito. Napatingin ang dalagita sa paparating na rebelde. Hindi niya alam ang gagawin. Kusang lumalayo ang kaniyang mga paa, ngunit ang kaniyang puso ay naiwan pa rin sa kaniyang ina. Hanggang sa isang malakas na baril ang tumapos sa tinig ng ina.
     Sumikip ang damdamin ni Lieutenant Rodriguez sa binasa. Higit sa isang daang sibilyan na naman ang napatay ng mga hayop na iyon. Mahigpit niyang kinuyom ang mga palad, ngunit isang malakas na tawag ang bumasag ng kaniyan malalim na iniisip.
     “Sir! May nahuli po kaming rebelde,” sambit ng isa sa kaniyang mga tauhan.
     Agad siyang napatayo at kinuha ang baril. Lalo siyang nasasabik. Napangiti siya. Gustong-gusto niyang makakikita ng pinahihirapang rebelde, nang nagmamakaawa. Nais niyang marinig silang naghihingalo – isang napakasarap na himig sa kaniyang pandinig. Agad niyang pinuntahan ang mga bihag. Napangiti siya sa nakita – isang lalaki, isang babae, at isang batang lalaking sa tingin niya’y nasa limang taong gulang lang. Isang pamilyang rebelde. Pawang nakaposas.
     “Masaya ito,” banggit niya sa sarili.
     “Parang awa niyo na po sir. Huwag niyo pong idamay ang pamilya ko,” pagmamakaawa ng lalaki.
     “Naawa ba kayo sa mga pinatay niyo? Sa mga pamilyang sinira niyo? Ha?!” bulyaw ni Lieutenant Rodriguez. “Sa’n niyo ba ito nahuli?”
     “Sa bayan po. May nakapagturo po kasi sa kanila. Eh nagkataon na may hawak na armas ang lalaki.”
     “Kumuha ka ng kutsilyo,” utos ni Rodriguez sa kasama.
     “Ilang mga sibilyan ba ang pinatay nila?
     “Higit sa isang daan po sir.”
     “Ilagay niyo ang kamay niyan sa mesa at putulan ng sampong daliri,” pangiti nitong wika.
     Walang tigil ang pagmamakaawa ng mga bihag. Higit na gumuhit ang isang matamis na ngiti sa labi ni Rodriguez. Nais niyang magmakaawa pa ang mga ito, ang lumuha habang nakaluhod.  Nagsisisigaw na ang lalaki. Hayo’t nanginginig na ang daliri nito sa bawat halik ng matulis na kutsilyo.
     “Tigilan niyo na! maawa kayo sa aking bana!” hiyaw ng babae.
     “Nabasa ko po sa pahayagan sir, ilang mga babae raw ang ginahasa ng mga hayop na ito.”
     Walang tigil sa pagtakbo ang dalagita. Pagod na pagod na siya. Hindi niya alam kung saan siya ihahatid ng sariling mga paa. Nais niyang ibaling sa pagtakbo ang pag-aalala niya, ang pagdadalamhati niya. Hanggang sa napahinto sila sa harap ng isang may kalakihang kanal. Doon niya binaba ang nakababatang kapatid.
     “Dito tayo magtago. Ipikit mo lang ang mga mata mo at bukas paggising mo ay magiging maayos na rin ang lahat.”
     Akmang magtatago na sana ang dalagita ngunit nahuli ito ng ilang mga rebelde. Hinablot ng mga ito ang balikat ng dalaga. Pilit hinubaran ng saplot. Pinagpapasapasahan. Napasigaw ang dalagita. Humihikbi habang nililingon ang kanal na pinagtataguan ng kaniyang kapatid. Naroon ang bata at umiiyak na nakasilip sa kanila. Palihim niyang sinenyasan ang kapatid na tumahimik. Tinakpan na lamang ng bata ang bibig at tumalikod. Pumikit ang munting bata at umaasang paggising niya ay magiging maayos din ang lahat.
     Napatingin na lamang ang lieutenant sa mga rebelde. Hayo’t wala nang patid ang babae sa kasisigaw habang hinahalay ng isa sa mga kasamahan nito. Nagpupumilit kumalas ang lalaking rebelde nang makita ang kahayupang ginawa ng mga sundalo sa asawa. Walang magawa ang lalaki kundi ang pumikit na lamang, sumigaw nang sumigaw habang pinuputulan ng mga daliri. Ngunit wala na yatang hihigit pa sa sakit na makitang hinuhubaran ng dangal ang taong pinakamamahal niya. Nagpukol ng ngiti ang lieutenant habang minamasdan ang paghihirap ng mga ito.
     Napatingin siya sa limang taong gulang na bata, umiiyak. Nanlambot ang kaniyang damdamin. Linapitan niya ito. Hinimas-himas ang buhok ng bata. Hindi niya namalayang lumuluha na pala siya. Binulungan niya ang bata.
     Wala nang buhay ang walang saplot na dalagita. Ngumingiti-ngiti pa ang mga rebelde habang sinasaplutan ang mga sarili. Maya-maya ay napatingin sila sa isang batang nagtatago sa kanal. Sabay na nagtawanan ang mga ito. Isang malakas na putok ang tumama sa kanang balikat ng bata. Hayo’t natumba ang bata mula sa pagkakaupo, subalit nakapikit pa rin ito sa kabila ng matinding kirot. Umaasang sa muli niyang pagdilat ay magiging maayos din ang lahat.
     Pumikit ang bata tulad ng binulong ni Lieutenant Rodriguez. Kinuha nito ang alagang baril.
     “Bang!” isang putok na tumigil sa sigaw ng rebeldeng pinutulan ng daliri.
     “Bang” isang putok ang tumigil sa paghikbi ng babae.
     Naroon at nakapikit pa rin ang bata. Umalis ang lieutenant at pumasok sa loob ng kampo. Iniwan ang kasamahan at ang bata. Naramdaman niya ang nagbabadyang pagtangis ng kaniyang mga mata.

     “Bang!” napahinto siya. Ayaw niyang lumingon. Ayaw niyang lingunin ang bata. Napatingin na lamang siya sa peklat ng kanan niyang balikat. Lihim siyang napahagulhol, at tulad ng madalas niyang ginagawa, ipinikit na lamang niya ang mga mata at umaasang sa muli niyang pagdilat ay magiging maayos na ang lahat…